Ako ay nangibang bansa at pumunta sa Australia noong Enero 1992. Ang aking pamilya na binubuo ng aking misis at 3 anak ay nakapunta sa Australia sa tulong ng aking yumaong mother-in-law na siyang nagiging sponsor naming.
Ang desisyon na mangibang bayan ay hindi madali para sa akin o sa aking misis. Hanggang sa araw na ipinadala ko ang aking aplikasyon para sa visa patungong Australia ako ay isang Pinoy na nagmamahal pa rin sa sariling bayan at idealista. Lalo na noong panahon na kami ay mag-apply papunta sa Australia ang president ng Pilipinas ay si G. Cory Aquino. Malaki ang pag-asa ko na sana sa pangunguna ni Presidente Aquino magkaroon sana ng magandang kinabukasan ang Pilipinas. Kahit na hindi mangyayari ang pagbabago sa aming generation, kung makikita at mardaman ko na iyon ay mangyayari sa generation ng mga anak ko, maligaya na sana ako at kami ay mananatili sana sa Pilipinas.
Pero, hindi ito nangyari. At wala akong nakita o’ naramdaman na ang ina-asam ko ay mangyayari, kahit man lang sana sa generation ng aking mga anak.
Nagtrabaho ako sa isang kompaniya na NGO – National Power Corporation, Cebu City, - bago kami nangibang bayan. Doon ay nakita ko kung gaano karumi ang gobyerno ng Pilipinas. Nakita ko na ang mga opisyal na may hinahawakang katungkulan, ay garapal na gumagawa ng mga kalokohan. Ang trabaho ko noon ay bilang isang ‘right of way’ officer, at di nagtagal, nagiging ‘legal researcher’.
Sa katungkulan ko na ‘legal researcher’ napasama ako sa ilang mga bidding. Sa katungkulan kong ito ay napasama din ako sa imbestigasyon tungkol sa mga “rigged biddings” na garapal na ginagawa. Mga ‘suppliers’ at sa bendisyon ng taga-NPC ay nagkukutsaba sa kung sino ang mananalo sa bidding kahit na ang presyo sa nanalo sa bidding ay ilang beses na mas mahal sa totoong presyo. Merong bidding na nadiskobre naming na ang mga papeles ay gawa-gawa lang.
Sa trabaho kong iyon, nadiskobre din naming na maraming mga lupa at mga produktong pang-agrikultura na na-apektuhan ng mga NPC powerline ay binayaran ng sobra sa presyo na legal. At nalaman namin na kung ano ang sobra sa legal na presyo ay hindi napunta sa may-ari ng lupa o produkto kung hindi sa mga kakutsabang empleyado sa NPC.
Ng mapagtanto ko na wala talagang kinabukasan ang aking mga anak sa Pilipinas, at talagang magsusumikap, tutoll man ang kalooban, sumang-ayon na ako sa mungkahi ng aking misis at mangibang bansa na kami puntang Australia. Hindi naming nilundagan at sinunggaban kaagad ang pagkakataon na makapunta sa Australia. Ang ginawa ng misis ko ay nagpunta muna siya sa Australia para makita at maramdaman niya kung ano ba ang pamumuhay sa ibang bansa na kagaya ng Australia.
Nagpunta ang misis ko sa Australia taong 1988. Pagbalik niya, nag-uumapaw ang galak niya kung gaano kaganda ang Australia. Na ang bansang ito ay siyang sagot sa aming mga pagnanasa ng magandang kinabukasan sa aming mga anak. Sabin g misis ko na totoong merong kaukulang pag-aayos, pero na ito ay kaunti lamang ikompara mo sa kasiguroan na ang kinabukasan ng mga bata ay sigurado at matatag.
Noon dumating kami sa Australia ay ‘recession’ din, taong 1992. Mataas ang porsiyento sa mga walang trabaho (mas mataas kaysa ngayon). Hindi madaling makakuha ng trabaho. Pero malakas ang social system ng Australia at binibigyan ng tulong na financial ang mga walang trabaho. Medyo nahiya kaming tumanggap dahil hindi kami nasanay sa boung buhay namin na tumanggap ng tulong na financial mula sa gobiyerno ng Pilipinas.
Dahil medyo mahirap makakuha ng trabaho, nagsimula akong magtrabaho na general hand (kung baga sa atin – TIG – tiga-gawa nito, tiga-gawa noon depende sa kung ano ang iniutos ng Executive Chef ng hotel na pinagtrabhuan ko. Halos mga dalawang taon akong nagtrabaho na general hand (tiga) sa hotel na iyon.
Habang ako ay nagtratrabaho do’n sa hotel, ako ay kumuha ng kung ano-anong mga training, nag-aral hanggang sa makilala ko at mabigyan ng pagkakataon na mamasukan sa isang opisina sa migration na pag-aari ng isang Malaysian Indian. Hindi ko alam noon na meron palang trabaho na ganito. Dahil noong kami ay mag-apply na papunta rito sa Australia, kami lang ang gumawa ng aming aplikasyon. Yon nga lang walang katiyakan ang ginawa naming kung tama o hindi o kung magkaroon nga ba kami ng visa papuntang Australia.
Dahil sa layo ng opisina ng unang migration company na pinagtrabahuan ko, lumipat ako sa iba na mas medyo malapit. Doon sa pangalawang migration office na pinagtrabahuan ko, hinikayat niya akong mag-aral na magiging registered migration agent. Malaki ang pasasalamat ko sa amo kung iyon dahil binigyan niya ako ng pagkakataon na magiging isang registered migration agent at ang pag-aaral ko, ang pag-rehistro ko sa Migration Agents Registration Authority ay sinagot lahat ng kompaniya. Sa pagnanasa na makatulong din sa mga kamag-anak naming na nasa Pilipinas pa, ibinuhos ko ang aking sarili na mag-aral at pumasa para magiging registered migration agent. Nagiging registered migration agent ako noong taon na 1997.
Ng ako ay nagging registered migration agent, sinubukan kong kombinsihin ang aking mga kapatid at ang mga kapatid ng misis ko na mag-punta na rin sa Australia. Pero kahit na sila sana ay qualified na mag-apply papuntang Australia ng mga panahon na iyon, wala silang interes. At noong nagbago naman ang isip nila, hindi na sila makapasa dahil sa edad nila.
Meron pa rin kaming natulungan na kamag-anak ng misis ko. Narito na ang boung pamilya nila at nanirahan sa Australia na mapayapa, maligaya at kontento pagkatapos dumaan ng malaking hirap sa Pilipinas. Ang aking nagiging profession ay ginamit ko na makatulong sa mga kapwa ko Pinoy. Maaring karamihan sa kanila ay hindi ko natulongan personal (na akong ang gumagawa sa application), pero sa pamagitan ng payo ko naiwasan nila ang mga maaring magiging problema sa kanilang application.
Marami ang mga Pilipino na nandito sa Australia na malaki ang iniunlad ng kanilang kabuhayan at ang kabuhayan ng kanilang mga anak. Nagkaroon sila ng kasaganaan at kaunlaran na hinding hindi nila (o namin) matamasa sa Pilipinas kahit anong pagsisikap ang gagawin nila (o namin).